1 Nang panahong yaon si Abias na anak ni Jeroboam ay nagkasakit.
2 At sinabi ni Jeroboam sa kaniyang asawa, Bumangon ka, isinasamo ko sa iyo at magpakunwari kang iba upang huwag kang makilala na asawa ni Jeroboam; at pumaroon ka sa Silo; narito, naroon si Ahias na propeta na nagsalita tungkol sa akin, na ako'y magiging hari sa bayang ito.
3 At magdala ka ng sangpung tinapay, at mga munting tinapay, at isang bangang pulot, at paroon ka sa kaniya: kaniyang sasaysayin sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata.
4 At ginawang gayon ng asawa ni Jeroboam at bumangon, at naparoon sa Silo, at naparoon sa bahay ni Ahias. Si Ahias nga ay di na makakita; sapagka't ang kaniyang mga mata'y malabo na, dahil sa kaniyang gulang.
5 At sinabi ng Panginoon kay Ahias, Narito, ang asawa ni Jeroboam ay naparirito na tinatanong ka tungkol sa kaniyang anak; sapagka't siya'y may sakit: ganito't ganito ang iyong sasabihin sa kaniya: sapagka't mangyayari, pagka siya'y pumasok, na siya'y magpapakunwari na ibang babae.
6 At nagkagayon, nang marinig ni Ahias ang ingay ng kaniyang mga paa, pagpasok niya sa pintuan, na sinabi niya, Pumasok ka, ikaw, na asawa ni Jeroboam; bakit ka nagpapakunwaring iba? Sapagka't ako'y sinugo sa iyo na may masamang balita.
7 Ikaw ay yumaon na saysayin mo kay Jeroboam, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Yamang kita'y itinaas sa gitna ng bayan, at ginawa kitang pangulo sa aking bayang Israel,
8 At inagaw ang kaharian mula sa sangbahayan ni David, at ibinigay sa iyo: at gayon ma'y ikaw ay hindi naging gaya ng lingkod kong si David, na nagingat ng aking mga utos, at sumunod sa akin ng kaniyang buong puso, upang gawin ang matuwid lamang sa harap ng aking mga mata;
9 Kundi ikaw ay gumawa ng masama na higit kay sa lahat ng nauna sa iyo, at ikaw ay yumaon, at gumawa ka sa ganang iyo ng mga ibang dios, at mga larawang binubo upang mungkahiin mo ako sa galit, at inihagis mo ako sa iyong likuran;
10 Kaya't, narito ako'y magdadala ng kasamaan sa sangbahayan ni Jeroboam, at aking ihihiwalay kay Jeroboam ang bawa't lalake ang nakukulong, at ang naiwan sa kaluwangan sa Israel, at aking lubos na papalisin ang sangbahayan ni Jeroboam, kung paanong pinapalis ng isang tao ang dumi, hanggang sa mapaalis.
11 Ang mamatay kay Jeroboam sa bayan ay kakanin ng mga aso; at ang mamatay sa parang ay kakanin ng mga ibon sa himpapawid: sapagka't sinalita ng Panginoon.
12 Tumindig ka nga, umuwi ka sa iyong bahay: pagpasok ng iyong mga paa sa bayan ay mamamatay ang bata.
13 At tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagka't siya lamang ang kay Jeroboam na darating sa libingan: sapagka't siya'y kinasumpungan sa sangbahayan ni Jeroboam, ng bagay na mabuti sa Panginoon, sa Dios ng Israel.
14 Bukod dito'y magtitindig ang Panginoon ng isang hari sa Israel, na siyang maghihiwalay ng sangbahayan ni Jeroboam sa araw na yaon; nguni't ano? ngayon din.
15 Sapagka't sasaktan ng Panginoon ang Israel ng gaya ng isang tambo na gumagalaw sa tubig; at kaniyang bubunutin ang Israel dito sa mabuting lupa na ibinigay sa kanilang mga magulang, at pangangalatin sila sa dako roon ng ilog; dahil sa kanilang ginawa ang kanilang mga Asera, na minungkahi ang Panginoon sa galit.
16 At kaniyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na kaniyang ipinagkasala, at ipinapagkasala sa Israel.
17 At ang asawa ni Jeroboam ay tumindig, at yumaon, at naparoon sa Thirsa: at pagpasok niya sa pasukan ng bahay, ang bata'y namatay.
18 At inilibing siya ng buong Israel, at tinangisan siya; ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang sinalita sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Ahias na propeta.
19 At ang iba sa mga gawa ni Jeroboam kung paanong siya'y nakidigma, at kung paanong siya'y naghari, narito, nangasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Israel.
20 At ang mga araw na ipinaghari ni Jeroboam ay dalawang pu't dalawang taon: at siya'y natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at si Nadab na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.
21 At si Roboam na anak ni Salomon ay naghari sa Juda. Si Roboam ay apat na pu't isang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at siya'y naghari na labing pitong taon sa Jerusalem, na bayan na pinili ng Panginoon sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kaniyang pangalan doon: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita.
22 At gumawa ang Juda ng masama sa paningin ng Panginoon, at kanilang minungkahi siya sa paninibugho sa pamamagitan ng kanilang mga kasalanan na kanilang nagawa, na higit kay sa lahat na ginawa ng kanilang mga magulang,
23 Sapagka't sila'y nagsipagtayo naman para sa kanila ng mga mataas na dako, at ng mga haligi, at ng mga Asera, sa bawa't mataas na burol, at sa ilalim ng bawa't sariwang punong kahoy;
24 At nagkaroon din naman ng mga sodomita ang lupain: sila'y nagsigawa ng ayon sa lahat na karumaldumal ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ng Israel.
25 At nangyari, nang ikalimang taon ng haring Roboam, na si Sisac na hari sa Egipto ay umahon laban sa Jerusalem:
26 At kaniyang dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kaniya ngang dinalang lahat: at kaniyang dinala ang lahat na kalasag na ginto na ginawa ni Salomon.
27 At ang haring Roboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga yaon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga punong kawal na bantay, na nagiingat ng pintuan ng bahay ng hari.
28 At nangyari, na pagka nanasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ay dinadala ng bantay, at ibinabalik sa silid ng bantay.
29 Ang iba nga sa mga gawa ni Roboam at ang lahat na bagay na kaniyang ginawa, hindi ba nasusulat sa aklat ng mga alaala sa mga hari sa Juda?
30 At nagkaroong palagi ng pagdidigmaan si Roboam at si Jeroboam.
31 At si Roboam ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at nalibing na kasama ng kaniyang mga magulang sa bayan ni David: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita. At si Abiam na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.