5 Sa Gabaon ay napakita ang Panginoon kay Salomon sa panaginip sa gabi: at sinabi ng Dios, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.
6 At sinabi ni Salomon, Ikaw ay nagpakita sa iyong lingkod na aking amang kay David ng malaking kagandahang loob, ayon sa kaniyang inilakad sa harap mo sa katotohanan, at sa katuwiran, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan sa kaniya itong dakilang kagandahang loob, na iyong binigyan siya ng isang anak na makauupo sa kaniyang luklukan, gaya sa araw na ito.
7 At ngayon, Oh Panginoon kong Dios, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; at ako'y isang munting bata lamang; hindi ko nalalaman ang paglulumabas at pumasok.
8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.
9 Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagka't sino ang makahahatol dito sa iyong malaking bayan?
10 At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon, na hiningi ni Salomon ang bagay na ito.
11 At sinabi ng Dios sa kaniya, Sapagka't iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo'y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan;
12 Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo.