1 Ngayo'y pinisan ng mga Filisteo ang kanilang hukbo upang bumaka at sila'y nagpipisan sa Socho, na nauukol sa Juda, at nagsihantong sa pagitan ng Socho at ng Azeca, sa Ephesdammim.

2 At nagpipisan si Saul at ang mga lalake ng Israel, at nagsihantong sa libis ng Ela, at nagsihanay sa pakikipagbaka laban sa mga Filisteo.

3 At nagsitayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo ang Israel sa kabilang dako sa bundok: at may isang libis sa pagitan nila.

4 At lumabas ang isang bayani sa kampamento ng mga Filisteo na nagngangalang Goliath, taga Gath, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

5 At siya'y mayroong isang turbanteng tanso, sa kaniyang ulo, at siya'y nasusuutan ng isang baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

6 At siya'y mayroong kasuutang tanso sa kaniyang mga hita, at isang sibat na tanso sa pagitan ng kaniyang mga balikat.

7 At ang puluhan ng kaniyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kaniyang sibat ay may anim na raang siklong bakal ang bigat: at ang kaniyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kaniya.

8 At siya'y tumayo at humiyaw sa mga hukbo ng Israel, at nagsabi sa kanila, Bakit kayo'y lumabas na nagsihanay sa pakikipagbaka? hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? pumili kayo ng isang lalake sa inyo, at pababain ninyo siya sa akin.

9 Kung siya'y makalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin nga ninyo kami; nguni't kung ako'y manaig laban sa kaniya, at mapatay ko siya ay magiging alipin nga namin kayo at maglilingkod sa amin.

10 At sinabi ng Filisteo, Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; bigyan ninyo ako ng isang lalake, upang maglaban kami.

11 At nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang yaon ng Filisteo, sila'y nanglupaypay, at natakot na mainam.

12 Si David nga ay anak niyaong Ephrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Isai; at may walong anak: at ang lalaking yaon ay matanda na sa mga kaarawan ni Saul na totoong napakatanda sa gitna ng mga tao.

13 At ang tatlong pinakamatandang anak ni Isai ay naparoong sumunod kay Saul sa pakikipagbaka: at ang mga pangalan ng kaniyang tatlong anak na naparoon sa pakikipagbaka ay si Eliab na panganay, at ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Samma.

14 At si David ang bunso: at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.

15 Nguni't si David ay nagpaparoo't parito mula kay Saul upang pasabsabin ang mga tupa ng kaniyang ama sa Bethlehem.

16 At lumalapit ang Filisteo sa umaga at hapon, at humarap na apat na pung araw.

17 At sinabi ni Isai kay David na kaniyang anak, Dalhin mo ngayon sa iyong mga kapatid ang isang epa nitong trigo na sinangag, at itong sangpung tinapay, at dalhin mong madali sa kampamento, sa iyong mga kapatid;

18 At dalhin mo ang sangpung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo, at tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka ng pinakakatunayan.

19 Si Saul nga, at sila at ang lahat ng mga lalake ng Israel ay nasa libis ng Ela, na nakikipaglaban sa mga Filisteo.

20 At si David ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at iniwan ang tupa na may isang tagapagalaga, at nagdala at yumaon, na gaya ng iniutos sa kaniya ni Isai; at siya'y naparoon sa kinaroroonan ng mga karo, habang ang hukbo na lumalabas sa pakikipaglaban ay sumisigaw ng pakikipagbaka.

21 At ang Israel at ang mga Filisteo ay nakahanay na sa pagbabaka, hukbo laban sa hukbo.

22 At iniwan ni David ang kaniyang daladalahan sa kamay ng tagapagingat ng daladalahan, at tumakbo sa hukbo, at naparoon, at bumati sa kaniyang mga kapatid.

23 At sa kaniyang pakikipagusap sa kanila, narito, dumating ang bayani, ang Filisteo na taga Gath, na Goliath ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at nagsalita ng ayon sa mga gayon ding salita: at narinig ni David.

24 At lahat ng mga lalake sa Israel pagkakita sa lalaking yaon ay tumakas mula sa kaniyang harapan, at natakot na mainam.

25 At ang mga lalake ng Israel ay nagsabi, Nakita ba ninyo ang lalaking iyan na sumasampa? Tunay na sumasampa siya upang manghamon sa Israel: at mangyayari, na ang lalaking makapatay sa kaniya, ay payayamanin ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kaniya ang kaniyang anak na babae, at palalayain sa Israel ang sangbahayan ng kaniyang ama.

26 At nagsalita si David sa mga lalaking nakatayo sa siping niya, na nagsasabi, Ano ang gagawin sa lalaking makapatay sa Filisteong ito, at mag-alis sa Israel ng kadustaang ito? sapagka't sinong Filisteong ito na hindi tuli na siya'y humahamon sa mga hukbo ng buhay na Dios?

27 At sumagot sa kaniya ang bayan, ng ganitong paraan, na sinabi, Ganito ang gagawin sa lalake na makapatay sa kaniya.

28 At narinig ni Eliab na kaniyang pinakamatandang kapatid, nang siya'y magsalita sa mga lalake; at ang galit ni Eliab ay nagalab laban kay David, at kaniyang sinabi, Bakit ka lumusong dito? at kanino mo iniwan ang ilang tupang yaon sa ilang? Talastas ko ang iyong kahambugan, at ang kalikutan ng iyong puso; sapagka't ikaw ay lumusong upang iyong makita ang pagbabaka.

29 At sinabi ni David, Anong aking ginawa ngayon? Wala bang dahilan?

30 At tinalikdan niya siya na napatungo sa iba, at siya'y nagsalita ng gayon ding paraan: at sinagot siya uli ng bayan na gaya ng una.

31 At nang marinig ang mga salita na sinalita ni David, ay sinaysay nila sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.

32 At sinabi ni David kay Saul, Huwag manglupaypay ang puso ng sinoman dahil sa kaniya; ang iyong lingkod ay yayaon at makikipaglaban sa Filisteong ito.

33 At sinabi ni Saul kay David: Hindi ka makaparoroon laban sa Filisteong ito upang makipaglaban sa kaniya: sapagka't ikaw ay isang bata, at siya'y isang lalaking mangdidigma mula sa kaniyang pagkabata.

34 At sinabi ni David kay Saul, Ang iyong lingkod ay nagaalaga ng mga tupa ng kaniyang ama; at pagka pumaroon ang isang leon, o isang oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,

35 Ay lumalabas akong hinahabol ko siya, at aking sinasaktan, at aking inililigtas sa kaniyang bibig: at pagka dinadaluhong ako ay aking pinapangahan, at aking sinasaktan, at aking pinapatay.

36 Pinapatay ng iyong lingkod ang leon at gayon din ang oso: at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kaniyang hinahamon ang mga hukbo ng Dios na buhay.

37 At sinabi ni David, Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga pangamot ng leon, at sa pangamot ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito. At sinabi ni Saul kay David, Yumaon ka, at ang Panginoon ay sasa iyo.

38 At sinandatahan ni Saul si David ng kaniyang mga sandata, at kaniyang inilagay ang isang turbanteng tanso sa kaniyang ulo, at kaniyang sinuutan siya ng isang baluti sa katawan.

39 At ibinigkis ni David, ang tabak niya sa kaniyang sandata, at kaniyang tinikmang yumaon; sapagka't hindi pa niya natitikman. At sinabi ni David kay Saul, Hindi ako makayayaon na dala ko ang mga ito; sapagka't hindi ko pa natitikman. At pawang hinubad ni David sa kaniya.

40 At tinangnan niya ang kaniyang tungkod sa kaniyang kamay, at pumili siya ng limang makinis na bato mula sa batis, at isinilid sa supot na kaniyang dala, sa makatuwid baga'y sa kaniyang supot pastor; at ang kaniyang panghilagpos ay nasa kaniyang kamay: at siya'y lumapit sa Filisteo.

41 At nagpatuloy ang Filisteo at lumapit kay David; at ang lalake na may dala ng kalasag ay nangunguna sa kaniya.

42 At nang tumingin ang Filisteo, at makita si David, ay kaniyang niwalan ng kabuluhan siya; sapagka't siya'y bata pa, at mapula ang pisngi, at may magandang bikas.

43 At sinabi ng Filisteo kay David, Ako ba ay aso, na ikaw ay paririto sa akin na may mga tungkod? At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kaniyang mga dios.

44 At sinabi ng Filisteo kay David, Halika, at aking ibibigay ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.

45 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa Filisteo, Ikaw ay naparirito sa akin na may tabak, at may malaking sibat at may kalasag; nguni't ako'y naparirito laban sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ng Dios ng mga kawal ng Israel na iyong hinahamon.

46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay; at sasaktan kita, at pupugutin ko ang ulo mo; at ibibigay ko ang mga bangkay sa hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid sa araw na ito, at sa mababangis na hayop sa lupa; upang maalaman ng buong lupa na may Dios sa Israel:

47 At upang maalaman ng buong kapisanang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat: sapagka't ang pagbabakang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.

48 At nangyari, nang bumangon ang Filisteo, at sumulong at lumapit upang salubungin si David, na si David ay nagmadali, at tumakbo sa dako ng kawal upang salubungin ang Filisteo.

49 At isinuot ni David ang kaniyang kamay sa kaniyang supot; at kumuha roon ng isang bato, at inihilagpos, at tinamaan ang Filisteo sa kaniyang noo; at ang bato ay bumaon sa kaniyang noo, at nabuwal na pasubsob sa lupa.

50 Sa gayo'y nanaig si David sa Filisteo sa pamamagitan ng isang panghilagpos at ng isang bato, at sinaktan ang Filisteo at pinatay niya siya; nguni't walang tabak sa kamay ni David.

51 Nang magkagayo'y tumakbo si David, at tinunghan ang Filisteo, at kinuha ang kaniyang tabak, at binunot sa kaniyang kaluban, at pinatay siya, at ipinagpugot ng kaniyang ulo. At nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang bayani ay patay na, sila'y tumakas.

52 At nagsibangon ang mga lalake ng Israel at ng Juda, at humiyaw at hinabol ang mga Filisteo hanggang sa Gath, at sa mga pintuang-bayan ng Ecron. At ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saraim, hanggang sa Gath, at sa Ecron.

53 At nagsibalik ang mga anak ni Israel sa paghabol sa mga Filisteo, at kanilang sinamsam ang kanilang kampamento.

54 At kinuha ni David ang ulo ng Filisteo, at dinala sa Jerusalem; nguni't kaniyang inilagay ang sandata niya sa kaniyang tolda.

55 At nang makita ni Saul si David na lumalabas laban sa Filisteo, kaniyang sinabi kay Abner, na kapitan ng hukbo, Abner, kaninong anak ang batang ito? At sinabi ni Abner, Buhay ang iyong kaluluwa, Oh hari, hindi ko masabi.

56 At sinabi ng hari, Usisain mo kung kaninong anak ang batang ito.

57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kaniyang kamay.

58 At sinabi ni Saul sa kaniya, Kaninong anak ka, binata? At sumagot si David, Ako'y anak ng iyong lingkod na si Isai na Bethlehemita.