1 Si Joatham ay may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing anim na taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Jerusa na anak ni Sadoc.

2 At siya'y gumawa ng matuwid sa harap ng mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ng kaniyang amang si Uzzias: gayon ma'y hindi siya pumasok sa templo ng Panginoon, At ang bayan ay gumawa pa ng kapahamakan.

3 Siya'y nagtayo ng mataas na pintuang-daan ng bahay ng Panginoon, at sa kuta ng Ophel ay nagtayo siya ng marami.

4 Bukod dito'y nagtayo siya ng mga bayan sa lupaing maburol ng Juda, at sa mga gubat ay nagtayo siya ng mga palasyo at mga moog.

5 Siya'y nakipaglaban din naman sa hari ng mga anak ni Ammon, at nanaig laban sa kanila. At ang mga anak ni Ammon ay nagsipagbigay sa kaniya ng taon ding yaon ng isang daang talentong pilak, at sangpung libong karo ng trigo, at sangpung libo ng sebada. Gayon ding karami ang ibinayad ng mga anak ni Ammon sa kaniya sa ikalawang taon naman, at sa ikatlo.

6 Sa gayo'y si Joatham ay naging makapangyarihan, sapagka't kaniyang inayos ang kaniyang mga lakad sa harap ng Panginoon niyang Dios.

7 Ang iba nga sa mga gawa ni Joatham, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kaniyang mga lakad, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel, at sa Juda.

8 Siya'y may dalawangpu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari, at nagharing labing anim na taon sa Jerusalem.

9 At si Joatham ay natulog na kasama ng kaniyang mga magulang, at inilibing nila siya sa bayan ni David: at si Achaz na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.