1 Nang magkagayo'y kinuha ng bayan ng lupain si Joachaz na anak ni Josias, at ginawa siyang hari na kahalili ng kaniyang ama sa Jerusalem.

2 Si Joachaz ay may dalawang pu't tatlong taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing tatlong buwan sa Jerusalem.

3 At inalis siya sa Jerusalem ng hari sa Egipto, at pinabuwis ang lupain ng isang daang talentong pilak at ng isang talentong ginto.

4 At inihalal na hari sa Juda at sa Jerusalem ng hari sa Egipto si Eliacim na kaniyang kapatid, at pinalitan ang kaniyang pangalan ng Joacim. At kinuha ni Nechao si Joachaz na kaniyang kapatid, at dinala niya siya sa Egipto.

5 Si Joacim ay may dalawang pu't limang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon, sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios.

6 Laban sa kaniya ay umahon si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at tinanikalaan siya, upang dalhin siya sa Babilonia.

7 Si Nabucodonosor ay nagdala naman ng mga sisidlan ng bahay ng Panginoon sa Babilonia, at inilagay sa kaniyang templo sa Babilonia.

8 Ang iba nga sa mga gawa ni Joacim, at ang kaniyang mga karumaldumal na kaniyang ginawa, at ang nasumpungan sa kaniya, narito, nangasusulat sa aklat ng mga hari sa Israel at Juda: at si Joachin, na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

9 Si Joachin ay may walong taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari: at siya'y nagharing tatlong buwan at sangpung araw sa Jerusalem: at siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon.

10 At sa pagpihit ng taon, si Nabucodonosor ay nagsugo, at dinala siya sa Babilonia, pati ng mga mainam na sisidlan ng bahay ng Panginoon at ginawang hari si Zedecias na kaniyang kapatid sa Juda at Jerusalem.

11 Si Zedecias ay may dalawang pu't isang taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem:

12 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon niyang Dios; siya'y hindi nagpakababa sa harap ni Jeremias na propeta na nagsasalita ng galing sa bibig ng Panginoon.

13 At siya rin nama'y nanghimagsik laban sa haring Nabucodonosor, na siyang nagpasumpa sa kaniya sa pangalan ng Dios: nguni't pinapagmatigas niya ang kaniyang ulo at pinapagmatigas niya ang kaniyang puso sa panunumbalik sa Panginoon, sa Dios ng Israel.

14 Bukod dito'y lahat ng mga pinuno ng mga saserdote, at ang bayan, ay nagsisalangsang na mainam ayon sa lahat na karumaldumal ng mga bansa; at kanilang dinumhan ang bahay ng Panginoon na kaniyang itinalaga sa Jerusalem.

15 At ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga magulang, nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga sugo, na bumangong maaga at nagsugo, sapagka't siya'y nagdalang habag sa kaniyang bayan, at sa kaniyang tahanang dako:

16 Nguni't kanilang tinuya ang mga sugo ng Dios, at niwalang kabuluhan ang kaniyang mga salita, at dinusta ang kaniyang mga propeta hanggang sa ang pagiinit ng Panginoon ay bumugso laban sa kaniyang bayan hanggang sa mawalan ng kagamutan.

17 Kaya't dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga binata sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuario, at hindi nagkaroon ng habag sa binata, o sa dalaga, sa matanda o sa may uban: ibinigay niya silang lahat sa kaniyang kamay.

18 At lahat ng mga kasangkapan ng bahay ng Dios, malaki at maliit, at ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng hari, at ng kaniyang mga prinsipe; lahat ng mga ito'y dinala niya sa Babilonia.

19 At sinunog nila ang bahay ng Dios, at ibinagsak ang kuta ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat na bahay hari niya, at giniba ang lahat na mainam na sisidlan niyaon.

20 At ang mga nakatanan sa tabak, dinala niya sa Babilonia; at mga naging alipin niya at ng kaniyang mga anak hanggang sa paghahari ng kaharian ng Persia:

21 Upang ganapin ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa ang lupain ay nagalak sa kaniyang mga sabbath: sapagka't habang giba ay kaniyang ipinagdidiwang ang sabbath, upang ganapin ang pitong pung taon.

22 Sa unang taon nga ni Ciro na hari sa Persia, upang ang salita ng Panginoon sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng Panginoon ang loob ni Ciro na hari sa Persia, na siya'y nagtanyag sa kaniyang buong kaharian, at isinulat din naman, na sinasabi,

23 Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia: Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit; at kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinomang mayroon sa inyo sa buong kaniyang bayan, sumakaniya nawa ang Panginoon niyang Dios, at umahon siya.