1 At nangyari, pagkamatay ni Saul, nang magbalik si David na mula sa pagpatay sa mga Amalecita, at tumahan si David na dalawang araw sa Siclag;

2 Ay nangyari, sa ikatlong araw, na narito, ang isang lalake ay lumabas sa kampamento na mula kay Saul na hapak ang kaniyang suot, at may lupa ang kaniyang ulo: at nagkagayon, na nang dumating siya kay David, ay nagpatirapa at nagbigay galang.

3 At sinabi ni David sa kaniya, Saan ka nanggaling? At kaniyang sinabi sa kaniya, Sa kampamento ng Israel ay tumakas ako.

4 At sinabi ni David sa kaniya, Ano ang nangyari? isinasamo ko sa iyo na iyong saysayin sa akin. At siya'y sumagot: Ang bayan ay tumakas sa pakikipagbaka, at karamihan sa bayan naman ay nangabuwal at nangamatay; at si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay nangamatay rin.

5 At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya: Paanong nalalaman mo na si Saul at si Jonathan na kaniyang anak ay patay?

6 At sinabi sa kaniya ng binatang nagsaysay, Sa isang pagkakataon ay napasa bundok ako ng Gilboa, narito, si Saul ay nagpakabuwal sa kaniyang sibat; at, narito, hinahabol siyang mainam ng mga karo at ng mga mangangabayo.

7 At nang siya'y lumingon, kaniyang nakita ako, at tinawag niya ako, at ako'y sumagot: Narito ako.

8 At sinabi niya sa akin, Sino ka? At ako'y sumagot sa kaniya, Ako'y isang Amalecita.

9 At kaniyang sinabi uli sa akin, Tumayo ka sa siping ko, isinasamo ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil sa dinatnan ako ng panglulumo; sapagka't ang aking buhay ay lubos ko pang taglay.

10 Sa gayo'y tumayo ako sa siping niya, at aking pinatay siya, sapagka't talastas ko na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal: at aking kinuha ang putong na nasa kaniyang ulo, at ang pulsera na nasa kaniyang kamay, at aking dinala rito sa aking panginoon.

11 Nang magkagayo'y tinangnan ni David ang kaniyang mga suot at pinaghapak; at gayon din ang ginawa ng lahat na lalake na kasama niya:

12 At sila'y tumangis, at umiyak, at nagayuno hanggang sa paglubog ng araw, dahil kay Saul, at dahil kay Jonathan na kaniyang anak, at dahil sa bayan ng Panginoon, at dahil sa sangbahayan ng Israel; sapagka't sila'y nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.

13 At sinabi ni David sa binata na nagsaysay sa kaniya, Taga saan ka? At siya'y sumagot: Ako'y anak ng isang taga ibang lupa, na Amalecita.

14 At sinabi ni David sa kaniya, Bakit hindi ka natakot na iunat mo ang iyong kamay na patayin ang pinahiran ng langis ng Panginoon?

15 At tinawag ni David ang isa sa mga bataan, at sinabi, Lumapit ka, at daluhungin mo siya. At kaniyang sinaktan siya, na anopa't namatay.

16 At sinabi ni David sa kaniya, Ang iyong dugo ay sumaiyong ulo; sapagka't ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, Aking pinatay ang pinahiran ng langis ng Panginoon.

17 At tinaghuyan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kaniyang anak:

18 (At kaniyang ipinaturo sa mga anak ni Juda ang awit sa pamamana narito, nasusulat sa aklat ni Jaser):

19 Ang iyong kaluwalhatian, Oh Israel, ay napatay sa iyong matataas na dako! Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan!

20 Huwag ninyong saysayin sa Gath, Huwag ninyong ihayag sa mga lansangan ng Ascalon; Baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay mangagalak, Baka ang mga anak na babae ng mga hindi tuli ay magtagumpay.

21 Kayong mga bundok ng Gilboa, Huwag magkaroon ng hamog, o ulan man sa inyo, kahit mga bukid na mga handog: Sapagka't diyan ang kalasag ng makapangyarihan ay nahagis ng kahalayhalay. Ang kalasag ni Saul, na parang isa, na hindi pinahiran ng langis.

22 Sa dugo ng pinatay, sa taba ng makapangyarihan, Ang busog ni Jonathan ay hindi umurong, At ang tabak ni Saul ay hindi nagbalik na walang dala.

23 Si Saul at si Jonathan ay nagibigan at nagmagandahang-loob sa kanilang kabuhayan. At sa kanilang kamatayan sila'y hindi naghiwalay; Sila'y lalong maliliksi kay sa mga agila, Sila'y lalong malalakas kay sa mga leon.

24 Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul, Na siyang sa inyo'y maselang na nagbihis ng escarlata, Na siyang naggayak ng ginto sa inyong mga kasuutan.

25 Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan sa gitna ng pagbabaka! Oh Jonathan, napatay ka sa iyong matataas na dako.

26 Ako'y namanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan: Naging totoong kalugodlugod ka sa akin; Ang iyong pag-ibig sa akin ay kagilagilalas, Na humihigit sa pagsinta ng mga babae.

27 Ano't nangabuwal ang mga makapangyarihan, At nangalipol ang mga sandata na pandigma!