1 At nangyari sa Iconio na sila'y magkasamang nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio, at nangagsalita ng gayon na lamang na ano pa't nagsisampalataya ang lubhang marami sa mga Judio at sa mga Griego.

2 Datapuwa't inudyukan ng mga Judiong suwail ang mga kaluluwa ng mga Gentil, at pinasama sila laban sa mga kapatid.

3 Nagsitira nga sila doon ng mahabang panahon na nagsisipagsalita ng buong katapangan sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kaniyang biyaya, na ipinagkakaloob na gawin ng kanilang mga kamay ang mga tanda at mga kababalaghan.

4 Datapuwa't nagkabahabahagi ang karamihan sa bayan; at ang isang bahagi'y nakisama sa mga Judio, at ang ibang bahagi'y nakisama sa mga apostol.

5 At nang gawin ang pagdaluhong ng mga Gentil at ng mga Judio naman na kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y halayin at batuhin,

6 At sa pagkaalam nila nito, ay nagsitakas na patungo sa mga bayan ng Licaonia, Listra at Derbe, at sa palibotlibot ng lupain:

7 At doon nila ipinangaral ang evangelio.

8 At sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na sa mga paa'y walang lakas, pilay mula pa sa tiyan ng kaniyang ina, na kailan ma'y hindi nakalakad.

9 Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya upang mapagaling,

10 Ay nagsabi ng malakas na tinig, Magtindig kang matuwid sa iyong mga paa. At siya'y lumukso at lumakad.

11 At nang makita ng karamihan ang ginawa ni Pablo, ay nagsigawan sila, na sinasabi sa wikang Licaonia, Ang mga dios ay nagsibaba sa atin sa anyo ng mga tao.

12 At tinawag nilang Jupiter, si Bernabe; at Mercurio, si Pablo, sapagka't siya ang pangulong tagapagsalita.

13 At ang saserdote ni Jupiter na ang kaniyang templo ay nasa harap ng bayan, ay nagdala ng mga baka't mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghaing kasama ng mga karamihan.

14 Datapuwa't nang marinig ito ng mga apostol, na si Bernabe at si Pablo, ay hinapak nila ang kanilang mga damit, at nagsipanakbo sa gitna ng karamihan, na nagsisigaw,

15 At nagsisipagsabi, Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao ring may mga karamdamang gaya ninyo, at nangagdadala ng mabubuting balita sa inyo, upang mula sa mga bagay na itong walang kabuluhan ay magsibalik kayo sa Dios na buhay, na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nasa mga yaon:

16 Na nang mga panahong nakaraan ay pinabayaan niya ang lahat ng mga bansa ay magsilakad sa kanilang mga sariling daan.

17 At gayon man ay hindi nagpabayang di nagbigay patotoo, tungkol sa kaniyang sarili, na gumawa ng mabuti at nagbigay sa inyo ng ulang galing sa langit at ng mga panahong sagana, na pinupuno ang inyong mga puso ng pagkain at ng katuwaan.

18 At sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang karamihan sa paghahain sa kanila.

19 Datapuwa't nagsirating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio: at nang mahikayat nila ang mga karamihan, ay kanilang pinagbabato si Pablo, at kinaladkad nila siya sa labas ng bayan, na inaakalang siya'y patay na.

20 Datapuwa't samantalang ang mga alagad ay nangakatayo sa paligid niya, ay nagtindig siya, at pumasok sa bayan: at nang kinabukasa'y umalis siya na kasama ni Bernabe napasa Derbe.

21 At nang maipangaral na nila ang evangelio sa bayang yaon, at makahikayat ng maraming mga alagad, ay nagsibalik sila sa Listra at sa Iconio, at sa Antioquia,

22 Na pinatitibay ang mga kaluluwa ng mga alagad, at inaaralan sila na magsipanatili sa pananampalataya, at sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kinakailangang magsipasok tayo sa kaharian ng Dios.

23 At nang makapaglagay na sa kanila ng mga matanda sa bawa't iglesia, at nang makapanalanging may pagaayuno, ay ipinagtagubilin sila sa Panginoong kanilang sinampalatayanan.

24 At kanilang tinahak ang Pisidia, at nagsiparoon sa Pamfilia.

25 At nang masalita na nila ang salita sa Perga, ay nagsilusong sila sa Atalia;

26 At buhat doo'y nagsilayag sila sa Antioquia, na doo'y ipinagtagubilin sila sa biyaya ng Dios dahil sa gawang kanilang natapos na.

27 At nang sila'y magsidating, at matipon na ang iglesia, ay isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa kanila, at kung paanong binuksan niya sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya.

28 At nangatira silang hindi kakaunting panahon na kasama ng mga alagad.