1 At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako. 2 At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. 3 At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. 4 At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain. 5 May mga nagsisitahan nga sa Jerusalem na mga Judio, mga lalaking religioso, na buhat sa bawa't bansa sa ilalim ng langit.
publicidade