1 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kaniyang ginawa sa kanila sa Horeb.

2 At tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, Inyong nakita yaong lahat na ginawa ng Panginoon sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Egipto, kay Faraon at sa lahat ng kaniyang lingkod at kaniyang buong lupain;

3 Ang mga dakilang tukso na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, at yaong mga dakilang kababalaghan:

4 Nguni't hindi kayo binigyan ng Panginoon ng pusong ikakikilala at ng mga matang ikakikita, at ng mga pakinig na ikaririnig, hanggang sa araw na ito.

5 At aking pinatnubayan kayong apat na pung taon sa ilang: ang inyong mga damit ay hindi naluma sa inyo, at ang iyong panyapak ay hindi naluma sa iyong paa.

6 Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing: upang inyong makilala na ako ang Panginoon ninyong Dios.

7 At nang kayo'y dumating sa dakong ito, ay lumabas si Sehon na hari sa Hesbon at si Og na hari sa Basan, laban sa atin sa pakikibaka, at ating sinugatan sila;

8 At ating sinakop ang kanilang lupain at ating ibinigay na pinaka mana sa mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

9 Ganapin nga ninyo ang mga salita ng tipang ito, at inyong gawin, upang kayo'y guminhawa sa lahat ng inyong ginagawa.

10 Kayo'y tumatayong lahat sa araw na ito, sa harap ng Panginoon ninyong Dios; ang inyong mga pangulo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga matanda, at ang inyong mga puno, sa makatuwid baga'y lahat ng mga lalake sa Israel,

11 Ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang iyong taga ibang lupa na nasa gitna ng iyong mga kampamento mula sa iyong mangangahoy hanggang sa iyong mananalok:

12 Upang ikaw ay pumasok sa tipan ng Panginoon mong Dios, at sa kaniyang sumpa na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Dios sa araw na ito:

13 Upang kaniyang itatag ka sa araw na ito na isang bayan, at upang siya'y maging iyong Dios, na gaya ng kaniyang sinalita sa iyo, at gaya ng kaniyang isinumpa sa iyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob.

14 At hindi lamang sa inyo ginagawa ko ang tipang ito at ang sumpang ito;

15 Kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harap ng Panginoon nating Dios, at gayon din sa hindi natin kasama sa araw na ito:

16 (Sapagka't talastas ninyo kung paanong tumahan tayo sa lupain ng Egipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;

17 At inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal, at ang kanilang mga idolo, na kahoy at bato, pilak at ginto na nasa gitna nila:)

18 Baka magkaroon sa gitna ninyo ng lalake, o babae, o angkan, o lipi, na ang puso'y humiwalay sa araw na ito, sa Panginoon nating Dios, na yumaong maglingkod sa mga dios ng mga bansang yaon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nagbubunga ng nakakalason at ng ajenjo;

19 At mangyari, na pagka kaniyang narinig ang mga salita ng sumpang ito, na kaniyang basbasan ang kaniyang sarili sa kaniyang puso, na magsabi, Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso upang ilakip ang paglalasing sa kauhawan:

20 Ay hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit nga ng Panginoon at ang kaniyang paninibugho ay maguusok laban sa taong yaon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay hihilig sa kaniya, at papawiin ng Panginoon ang kaniyang pangalan sa silong ng langit.

21 At ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel sa kasamaan, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.

22 At ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na magsisibangon pagkamatay ninyo, at ang taga ibang bayan na magmumula sa malayong lupain, ay magsasabi, pagka nakita nila ang mga salot ng lupaing yaon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon, na ipinagkasakit;

23 At ang buong lupaing yaon ay asupre, at asin, at sunog, na hindi nahahasikan, at walang ibubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkagiba ng Sodoma at Gomorra, Adma at Seboim, na giniba ng Panginoon sa kaniyang kagalitan at sa kaniyang maningas na pagiinit;

24 Na anopa't lahat ng mga bansa ay magsasabi, Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? ano ang kahulugan ng init nitong malaking kagalitan?

25 Kung magkagayo'y sasabihin ng mga tao, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon, ng Dios ng kanilang mga magulang, na kaniyang ginawa sa kanila, nang kaniyang kunin sila sa lupain ng Egipto;

26 At sila'y yumaon at naglingkod sa ibang mga dios, at sinamba nila, na mga dios na hindi nila nakilala, at hindi niya ibinigay sa kanila:

27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa lupaing ito, upang dalhin sa kaniya ang buong sumpa na nasusulat sa aklat na ito:

28 At sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain, sa kagalitan, at sa pagiinit, at sa malaking pagkagalit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain gaya sa araw na ito.

29 Ang mga bagay na lihim ay nauukol sa Panginoon nating Dios: nguni't ang mga bagay na hayag ay nauukol sa atin at sa ating mga anak magpakailan man, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.