1 Bago nga magpista ng paskua, sa pagkaalam ni Jesus na dumating na ang kaniyang oras ng paglipat niya mula sa sanglibutang ito hanggang sa Ama, sa pagkaibig sa mga kaniya na nangasa sanglibutan, ay inibig niya sila hanggang sa katapusan.

2 At habang humahapon, nang mailagay na ng diablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, ang pagkakanulo sa kaniya.

3 Si Jesus, sa pagkatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Dios, at sa Dios din paroroon,

4 Ay nagtindig sa paghapon, at itinabi ang kaniyang mga damit; at siya'y kumuha ng isang toalya, at ibinigkis sa kaniyang sarili.

5 Nang magkagayo'y nagsalin ng tubig sa kamaw, at pinasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at kinuskos ng toalya na sa kaniya'y nakabigkis.

6 Sa gayo'y lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi niya sa kaniya, Panginoon, huhugasan mo baga ang aking mga paa?

7 Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ang ginagawa ko'y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa't mauunawa mo pagkatapos.

8 Sinabi sa kaniya ni Pedro, Huwag mong huhugasan ang aking mga paa kailan man. Sinagot siya ni Jesus, Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.

9 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ng aking mga kamay at ang aking ulo.

10 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ang napaliguan na ay walang kailangang hugasan maliban ang kaniyang mga paa, sapagka't malinis nang lubos: at kayo'y malilinis na, nguni't hindi ang lahat.

11 Sapagka't nalalaman niya ang sa kaniya'y magkakanulo; kaya't sinabi niya, Hindi kayong lahat ay malilinis.

12 Kaya't nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kaniyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, Nalalaman baga ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?

13 Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't ako nga.

14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa.

15 Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.

16 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang alipin ay hindi dakila kay sa kaniyang panginoon; ni ang sinugo man ay dakila kay sa nagsugo sa kaniya.

17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin.