1 At si Abimelech na anak ni Jerobaal ay napasa Sichem, sa mga kapatid ng kaniyang ina, at nagsalita sa kanila, at sa lahat ng angkan ng sangbahayan ng ama ng kaniyang ina, na nagsasabi,
2 Isinasamo ko sa inyo na inyong salitain sa mga pakinig ng lahat ng mga lalake sa Sichem, Kung ano ang magaling sa inyo, na lahat na anak ni Jerobaal na pitong pung lalake ay magpuno sa inyo, o isa ang magpuno sa inyo? alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman.
3 At tungkol sa kaniya ay sinalita ng mga kapatid ng ina niya, sa mga pakinig ng lahat ng mga lalake sa Sichem ang lahat ng mga salitang ito at ang kanilang puso ay kumiling na sumunod kay Abimelech, sapagka't kanilang sinabi, Siya'y ating kapatid.
4 At nagbigay sila ng pitong pung putol na pilak, mula sa bahay ng Baal-berith, na siyang iniupa ni Abimelech sa mga taong hampas lupa at mga palaboy, na siyang mga sumunod sa kaniya.
5 At siya'y naparoon sa bahay ng kaniyang ama sa Ophra, at pinatay ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Jerobaal, na pitong pung katao, sa ibabaw ng isang bato: nguni't si Jotham na bunsong anak ni Jerobaal ay nalabi; sapagka't siya'y nagtago.
6 At lahat ng mga lalake sa Sichem ay nagpupulong at ang buong sangbahayan ni Millo, at yumaon at ginawang hari si Abimelech sa tabi ng encina ng haliging nasa Sichem.
7 At nang kanilang saysayin kay Jotham, siya'y yumaon at tumayo sa taluktok ng bundok Gerizim, at inilakas ang kaniyang tinig, at sumigaw, at sinabi sa kanila, Dinggin ninyo ako, ninyong mga lalake sa Sichem, upang dinggin kayo ng Dios.
8 Ang mga puno ng kahoy ay naghalal ng hari na minsan; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, Maghari ka sa amin.
9 Nguni't sinabi ng puno ng olibo sa kanila, Akin bang iiwan ang aking katabaan, na siyang sa akin ay nakapagpaparangal sa Dios at sa tao, at makipagindayunan sa mga puno ng kahoy?
10 At sinabi ng mga punong kahoy sa puno ng igos, Halika, at maghari ka sa amin.
11 Nguni't sinabi ng puno ng igos sa kanila, Akin bang iiwan ang aking katamisan, at ang aking mabuting bunga, at yayaong makipagindayunan sa mga puno ng kahoy?
12 At sinabi ng mga puno ng kahoy sa puno ng ubas, Halika, at maghari ka sa amin.
13 At sinabi ng puno ng ubas sa kanila, Akin bang iiwan ang aking alak, na nagpapasaya sa Dios at sa tao, at yayaong makipagindayunan sa mga puno ng kahoy?
14 Nang magkagayo'y sinabi ng lahat ng mga puno ng kahoy sa dawag, Halika, at maghari ka sa amin.
15 At sinabi ng dawag sa mga puno ng kahoy, Kung tunay na ako'y inyong inihahalal na hari ninyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim: at kung hindi ay labasan ng apoy ang dawag at pugnawin ang mga sedro ng Libano.
16 Ngayon nga'y kung tapat at matuwid mong ginawang hari si Abimelech, at kung gumawa kayo ng mabuti kay Jerobaal at sa kaniyang sangbahayan, at kayo'y gumawa sa kaniya ng ayon sa marapat sa kaniyang mga kamay;
17 (Sapagka't ipinakipaglaban kayo ng aking ama at inihadlang ang kaniyang buhay, at pinapaging laya kayo sa kamay ni Madian:
18 At kayo'y bumangon laban sa sangbahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kaniyang mga anak, na pitong pung lalake, sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelech, na anak ng kaniyang aliping babae, sa mga lalake sa Sichem, sapagka't siya'y inyong kapatid;)
19 Kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerobaal at sa kaniyang sangbahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelech at magalak naman siya sa inyo:
20 Nguni't kung hindi ay labasan ng apoy si Abimelech, at pugnawin ang mga lalake sa Sichem, at ang sangbahayan ni Millo, at labasan ng apoy ang mga lalake sa Sichem, at ang sangbahayan ni Millo, at pugnawin si Abimelech.
21 At si Jotham ay tumakbong umalis, at tumakas, at napasa Beer, at tumahan doon, dahil sa takot kay Abimelech na kaniyang kapatid.
22 At si Abimelech ay naging prinsipe sa Israel na tatlong taon.
23 At nagsugo ang Dios ng isang masamang espiritu kay Abimelech at sa mga lalake sa Sichem; at ang mga lalake sa Sichem ay naglilo kay Abimelech.
24 Upang ang dahas na ginawa sa pitong pung anak ni Jerobaal ay dumating, at upang ang kanilang dugo ay malagpak kay Abimelech na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalake sa Sichem, na nagpalakas ng kaniyang mga kamay upang patayin ang kaniyang mga kapatid.
25 At binakayan siya ng mga lalake sa Sichem sa mga taluktok ng mga bundukin, at kanilang pinagnakawan yaong lahat na dumaan sa daang yaon na malapit sa kanila; at naibalita kay Abimelech.
26 At dumating si Gaal na anak ni Ebed na kasama ng kaniyang mga kapatid, at dumaan sa Sichem: at inilagak ng mga lalake sa Sichem ang kanilang tiwala sa kaniya.
27 At sila'y lumabas sa bukid, at namitas sa kanilang mga ubasan, at pinisa, at nagpapista, at napasa bahay ng kanilang dios, at nagkainan at naginuman, at sinumpa si Abimelech.
28 At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, Sino si Abimelech at sino si Sichem, upang, aming paglingkuran siya? hindi ba siya ang anak ni Jerobaal? at si Zebul ay kaniyang pinuno? Maglingkod kayo sa mga lalake ni Hamor na ama ni Sichem: nguni't bakit kami maglilingkod sa kaniya?
29 At kahi manawari ang bayang ito'y mapasa ilalim ng aking kamay. Kung magkagayo'y aking hahalinhan si Abimelech. At kaniyang sinabi kay Abimelech, Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.
30 At nang marinig ni Zebul na puno ng bayan ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagalab ang kaniyang galit.
31 At lihim na nagsugo siya ng mga sugo kay Abimelech, na nagsabi, Narito, si Gaal na anak ni Ebed at ang kaniyang mga kapatid ay naparoon sa Sichem; at, narito, kanilang pinilit ang bayan laban sa iyo.
32 Ngayon nga'y bumangon ka sa gabi, ikaw at ang bayan na kasama mo, at bakayan mo sa bukid:
33 At mangyayari, na sa kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay babangon kang maaga, at isasalakay mo ang bayan: at, narito, pagka siya at ang bayan na kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo nga sa kanila ang magalingin mo.
34 At bumangon si Abimelech, at ang buong bayan na kasama niya, sa kinagabihan at sinalakay nila ang Sichem, na sila'y apat na pulutong.
35 At lumabas si Gaal na anak ni Ebed, at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan; at si Abimelech ay bumangon sa pagbakay at ang bayan na kasama niya.
36 At nang makita ni Gaal ang bayan, ay kaniyang sinabi kay Zebul, Narito, bumababa ang bayan mula sa taluktuk ng mga bundok. At sinabi ni Zebul sa kaniya, Iyong nakikita'y mga lilim ng mga bundukin, na parang mga lalake.
37 At nagsalita uli si Gaal, at nagsabi, Tignan mo, bumababa ang bayan sa kalagitnaan ng lupain, at isang pulutung ay dumarating sa daan ng encina ng Meonenim.
38 Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kaniya, Saan nandoon ngayon ang iyong bibig, na iyong ipinagsabi, Sino si Abimelech upang tayo'y maglingkod sa kaniya? hindi ba ito ang bayan na iyong niwalan ng kabuluhan? lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila.
39 At lumabas si Gaal sa harap ng mga lalake sa Sichem, at lumaban kay Abimelech.
40 At hinabol ni Abimelech siya, at siya'y tumakas sa harap niya, at nabuwal ang maraming sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
41 At si Abimelech ay tumahan sa Aruma: at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kaniyang mga kapatid, upang sila'y huwag tumahan sa Sichem.
42 At nangyari nang kinaumagahan, na ang baya'y lumabas sa parang; at kanilang isinaysay kay Abimelech.
43 At kaniyang kinuha ang bayan, at binahagi niya ng tatlong pulutong, at bumakay sa parang; at siya'y tumingin, at narito, ang bayan ay lumabas sa kabayanan; at siya'y bumangon laban sa kanila, at sila'y sinaktan niya.
44 At si Abimelech at ang mga pulutong na kasama niya ay nagsidaluhong at nagsitayo sa pasukan ng pintuan ng bayan: at ang dalawang pulutong ay nagsidaluhong doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y sinaktan nila.
45 At lumaban si Abimelech sa bayan nang buong araw na yaon; at sinakop ang bayan, at pinatay ang bayan na nasa loob niyaon: at iginiba ang kabayanan at hinasikan ng asin.
46 At nang mabalitaan yaon ng lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem, ay pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berith.
47 At nasaysay kay Abimelech, na ang lahat ng mga tao sa moog ng Sichem ay nagpipisan.
48 At umahon si Abimelech sa bundok ng Salmon, siya at ang buong bayan na kasama niya; at sumunggab si Abimelech ng isang palakol sa kaniyang kamay, at pumutol ng isang sanga sa mga kahoy at itinaas, at ipinasan sa kaniyang balikat: at sinabi niya sa bayan na kasama niya, Kung ano ang makita ninyo na gawin ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa.
49 At ang buong bayan ay pumutol na gayon din ang bawa't lalake ng kanikaniyang sanga, at sumunod kay Abimelech, at ipinaglalagay sa kuta, at sinilaban ang kuta sa pamamagitan niyaon; na ano pa't ang lahat ng mga lalake sa moog ng Sichem ay namatay rin, na may isang libong lalake at babae.
50 Nang magkagayo'y naparoon si Abimelech sa Thebes, at humantong ng laban sa Thebes, at sinakop.
51 Nguni't may isang matibay na moog sa loob ng bayan, at doo'y nagsitakas ang lahat na lalake at babae at ang lahat na nasa bayan, at sinarhan, at nagsisampa sa bubungan ng moog.
52 At naparoon si Abimelech sa moog, at lumaban, at lumapit sa pintuan ng moog, upang sunugin ng apoy.
53 At hinagis ng isang babae, ng isang pangibabaw na bato ng gilingan ang ulo ni Abimelech at nabasag ang kaniyang bungo.
54 Nang magkagayo'y tinawag niyang madali ang bataang kaniyang tagadala ng almas, at sinabi niya sa kaniya, Kunin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, upang huwag sabihin tungkol sa akin ng mga tao, Isang babae ang pumatay sa kaniya. At pinalagpasan siya ng kaniyang bataan, at siya'y namatay.
55 At nang makita ng Israel na namatay si Abimelech, ay yumaon ang bawa't lalake sa kanikaniyang dako.
56 Ganito pinaghigantihan ng Dios ang kasamaan ni Abimelech, na kaniyang ginawa sa kaniyang ama, sa pagpatay ng kaniyang pitong pung kapatid:
57 At ang buong kasamaan ng mga lalake sa Sichem ay pinaghigantihan ng Dios sa kanilang mga ulo: at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotham na anak ni Jerobaal.