1 Nangyari nga, na samantalang siya'y sinisiksik ng karamihan na pinakikinggan ang salita ng Dios, na siya'y nakatayo sa tabi ng dagatdagatan ng Genezaret;
2 At nakakita siya ng dalawang daong na nasa tabi ng dagatdagatan: datapuwa't nagsilunsad sa mga yaon ang mga mamamalakaya, at hinuhugasan ang kanilang mga lambat.
3 At lumulan siya sa isa sa mga daong, na kay Simon, at ipinamanhik niya dito na ilayo ng kaunti sa lupa. At siya'y naupo at nagturo sa mga karamihan buhat sa daong.
4 At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya.
5 At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa't sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat.
6 At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda; at nagkampupunit ang kanilang mga lambat;
7 At kinawayan nila ang mga kasamahan sa isang daong upang magsilapit at sila'y tulungan. At sila'y nagsilapit at nangapuno ang dalawang daong, ano pa't sila'y nagpasimulang lulubog.
8 Datapuwa't nang makita ni Simon Pedro, ay nagpatirapa sa mga tuhod ni Jesus, na nagsasabi, Lumayo ka sa akin; sapagka't ako'y taong makasalanan, Oh Panginoon.
9 Sapagka't siya at ang lahat ng kasama niya ay nagsipanggilalas, dahil sa karamihan ng mga isdang kanilang nangahuli:
10 At gayon din si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, Huwag kang matakot; mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao.
11 At nang maisadsad na nila sa lupa ang kanilang mga daong, ay iniwan nila ang lahat, at nagsisunod sa kaniya.