1 At nagsidating sila sa kabilang ibayo ng dagat sa lupain ng mga Gadareno.
2 At paglunsad niya sa daong, pagdaka'y sinalubong siya na galing sa mga libingan ng isang lalake na may isang karumaldumal na espiritu,
3 Na tumatahan sa mga libingan: at sinoma'y hindi siya magapos, kahit ng tanikala;
4 Sapagka't madalas na siya'y ginapos ng mga damal at mga tanikala, at pinagpatidpatid niya ang mga tanikala, at pinagbabalibali ang mga damal: at walang taong may lakas na makasupil sa kaniya.
5 At palaging sa gabi't araw, ay nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6 At pagkatanaw niya sa malayo kay Jesus, ay tumakbo at siya'y kaniyang sinamba;
7 At nagsisisigaw ng malakas na tinig, na kaniyang sinabi, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? kita'y pinamamanhikan alangalang sa Dios, na huwag mo akong pahirapan.
8 Sapagka't sinabi niya sa kaniya, Lumabas ka sa taong ito, ikaw na karumaldumal na espiritu.
9 At tinanong niya siya, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya sa kaniya, Pulutong ang pangalan ko; sapagka't marami kami.
10 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing yaon.
11 At sa libis ng bundok na yaon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisipanginain.
12 At nangamanhik sila sa kaniya, na nagsisipagsabi, Paparoonin mo kami sa mga baboy, upang kami ay magsipasok sa kanila.
13 At ipinahintulot niya sa kanila. At ang mga karumaldumal na espiritu ay nangagsilabas, at nangagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, na sila'y may mga dalawang libo; at sila'y nangalunod sa dagat.
14 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at ibinalita sa bayan, at sa mga bukid. At nagsiparoon ang mga tao upang makita kung ano ang nangyari.