1 Kung magkagayon ay makakatulad ang kaharian ng langit ng sangpung dalaga, na kinuha ang kanilang mga ilawan, at nagsilabas upang salubungin ang kasintahang lalake.

2 At ang lima sa kanila'y mga mangmang, at ang lima'y matatalino.

3 Sapagka't nang dalhin ng mga mangmang ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nangagdala ng langis:

4 Datapuwa't ang matatalino ay nangagdala ng langis sa kanilang sisidlan na kasama ng kanilang mga ilawan.

5 Samantalang nagtatagal nga ang kasintahang lalake, ay nangagantok silang lahat at nangakatulog.

6 Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.

7 Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan.

8 At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka't nangamamatay ang aming mga ilawan.

9 Datapuwa't nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo.

10 At samantalang sila'y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.

11 Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.

12 Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.

13 Mangagpuyat nga kayo, sapagka't hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.