1 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

2 Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampamento ang bawa't may ketong, at bawa't inaagasan, at ang sinomang karumaldumal sa pagkahipo sa patay:

3 Lalake at babae ay kapuwa ninyo ilalabas, sa labas ng kampamento ilalagay ninyo sila; upang huwag nilang ihawa ang kanilang kampamento na aking tinatahanan sa gitna.

4 At ginawang gayon ng mga anak ni Israel, at inilabas sa labas ng kampamento: kung paanong sinalita ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.

5 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

6 Salitain mo sa mga anak ni Israel, Pagka ang isang lalake o babae ay nakagawa ng anomang kasalanan na nagagawa ng mga tao, na sumasalangsang laban sa Panginoon at ang gayong tao ay naging salarin;

7 Ay kaniyang isusulit nga ang kaniyang kasalanang nagawa: at kaniyang pagbabayarang lubos ang kaniyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa pinagkasalahan.

8 Datapuwa't kung ang lalake ay walang kamaganak na mapagbabayaran ng sala, ay mapapasa saserdote ang kabayaran ng sala na handog sa Panginoon, bukod sa tupang lalaking pinakatubos na ipangtutubos sa kaniya.

9 At ang bawa't handog na itinaas sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel, na kanilang ihaharap sa saserdote ay magiging kaniya.

10 At ang mga bagay na banal ng bawa't lalake ay magiging kaniya: ang ibigay ng sinomang tao sa saserdote ay magiging kaniya.

11 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

12 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Kung ang asawa ng sinomang lalake ay malilisya, at sasalangsang sa kaniya,

13 At ang ibang lalake ay sisiping sa kaniya, at ito'y makukubli sa mga mata ng kaniyang asawa at ang bagay ay malilihim, at ang babae ay madudumhan at walang saksi laban sa kaniya, o hindi man matututop siya sa pagkakasala;

14 At ang diwa ng paninibugho ay sasakaniya, at siya'y maninibugho sa kaniyang asawa at siya'y madudumhan: o kung sasakaniya ang diwa ng paninibugho at siya'y maninibugho sa kaniyang asawa, at ito'y hindi madudumhan:

15 Ay dadalhin nga ng lalake sa saserdote ang kaniyang asawa, at ipagdadala ng alay ng babae ng ikasangpung bahagi ng isang epa ng harina ng sebada: hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamangyan; sapagka't handog na harina tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalaala ng kasalanan.

16 At ilalapit ng saserdote ang babae, at pahaharapin sa Panginoon:

17 At ang saserdote ay kukuha ng banal na tubig sa isang sisidlang lupa: at sa alabok na nasa lapag ng tabernakulo ay dadampot ang saserdote, at ilalagay sa tubig:

18 At pahaharapin ng saserdote ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay ang handog na harina na alaala sa kaniyang mga kamay, na handog na harina tungkol sa paninibugho: at tatangnan ng saserdote sa kamay ang mapapait na tubig na nagbubugso ng sumpa:

19 At siya'y papanunumpain ng saserdote, at sasabihin sa babae, Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalake, at kung di ka nalisya sa karumihan, sa isang hindi mo asawa, ay maligtas ka nga sa mapapait na tubig na ito na nagbubugso ng sumpa:

20 Datapuwa't kung ikaw ay tunay na nalisya sa iba na di mo asawa, at kung ikaw ay nadumhan, at ibang lalake ay sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa:

21 Ay panunumpain nga ng saserdote ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng saserdote sa babae, Ilagay ka ng Panginoon na pinakasumpa at pinakapula sa gitna ng iyong bayan, kung papanglumuhin ng Panginoon ang iyong hita at pamagain ang iyong tiyan;

22 At ang tubig na ito na nagbubugso ng sumpa ay tatalab sa iyong tiyan, at ang iyong katawan ay pamamagain at ang iyong hita ay panglulumuhin. At ang babae ay magsasabi, Siya nawa, Siya nawa.

23 At isusulat ng saserdote ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kaniyang buburahin sa mapait na tubig:

24 At kaniyang ipaiinom sa babae ang mapait na tubig ng nagbubugso ng sumpa at tatalab sa kaniya ang tubig na nagbubugso ng sumpa, at magiging mapait.

25 At kukunin ng saserdote sa kamay ng babae ang handog na harina tungkol sa paninibugho at kaniyang aalugin ang handog na harina sa harap ng Panginoon, at dadalhin sa dambana:

26 At ang saserdote ay kukuha ng isang dakot ng handog na harina na pinakaalaala niyaon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipaiinom sa babae ang tubig.

27 At pagka napainom na siya ng tubig, ay mangyayari na kung siya'y nadumhan, at siya'y sumalangsang sa kaniyang asawa, na ang tubig na nagbubugso ng sumpa ay tatalab sa kaniya at magiging mapait, at ang kaniyang katawan ay mamamaga at ang kaniyang hita ay manglulumo: at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kaniyang bayan.

28 At kung ang babae ay hindi nadumhan, kundi malinis; ay magiging laya nga at magdadalang-tao.

29 Ito ang kautusan tungkol sa paninibugho, pagka ang isang babae ay nalilisiya sa lalaking di niya asawa, at nadumhan;

30 O pagka ang diwa ng paninibugho ay sumasaisang lalake, at naninibugho sa kaniyang asawa; ay pahaharapin nga ang babae sa Panginoon at gagawin ng saserdote sa kaniya ang buong kautusang ito.

31 At ang lalake ay maliligtas sa kasamaan, at ang babae ay siyang magdadala ng kaniyang kasamaan.