1 Nang bata pa ang Israel, aking minahal siya, at tinawag kong aking anak mula sa Egipto.

2 Lalo silang tinawag ng mga propeta, ay lalo naman silang nagsihiwalay sa kanila: sila'y nangaghahain sa mga Baal, at nangagsusunug ng mga kamangyan sa mga larawang inanyuan.

3 Gayon ma'y aking tinuruan ang Ephraim na lumakad; aking kinalong sila sa aking mga bisig; nguni't hindi nila kinilala na aking pinagaling sila.

4 Akin silang pinatnubayan ng mga tali ng tao, ng mga panali ng pag-ibig; at ako'y naging sa kanila'y parang nagaalis ng paningkaw sa kanilang mga panga; at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila.

5 Sila'y hindi babalik sa lupain ng Egipto; kundi ang taga Asiria ay magiging kanilang hari, sapagka't sila'y nagsisitangging manumbalik sa akin.

6 At ang tabak ay lalagak sa kanilang mga bayan, at susupukin ang kanilang mga halang, at lalamunin sila, dahil sa kanilang sariling mga payo.

7 At ang aking bayan ay mahilig ng pagtalikod sa akin: bagaman kanilang tinatawag siya na nasa itaas, walang lubos na magtataas sa kaniya.

8 Paanong pababayaan kita, Ephraim? paanong itatakuwil kita, Israel? paanong gagawin kitang parang Adma? paanong ilalagay kitang parang Zeboim? ang aking puso ay nabagbag sa loob ko, ang aking mga habag ay nangagalab.

9 Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.

10 Sila'y magsisilakad ng ayon sa Panginoon, na siyang uungal, na parang leon; sapagka't siya'y uungal, at ang mga anak ay magsisidating na nanginginig na mula sa kalunuran.

11 Sila'y darating na nanginginig na parang ibon na mula sa Egipto, at parang kalapati na mula sa lupain ng Asiria; at aking patatahanin sila sa kanilang mga bahay, sabi ng Panginoon.

12 Kinukulong ako ng Ephraim ng kabulaanan sa palibot, at ng sangbahayan ni Israel sa pamamagitan ng daya; nguni't ang Juda'y nagpupuno pang kasama ng Dios, at tapat na kasama ng Banal.